Thursday, October 22, 2009

Workshop 101


Habang gumagawa ng output ang mga estudyante, di ako mapakali, nangangati ang mga kamay ko, gusto kong sumali.
Bubuo ng kwento ang drama. Pagkokonekta ng images. Output ito at bahagi na rin ng ipinangako kong workshop sa kanila.
Kaya eto ang nabuo ko pagkatapos ng tatlumpung minuto.
(Pasensya na walang pamagat, gusto ninyo pakilagyan.)

Habang masigla, masaya at buhay na buhay ang atmospera sa paligid dahil sa nagaganap na pista, hindi nito mahawa ang damdamin ni Tata Igme. Kalungkutan ang pumupuno sa kanya. Kahungkagan.
Nakadungaw siya sa bintana ng kanyang maliit na dampa. Lagus-lagusan ang tingin niya sa mga nagaganap sa paligid. Di nakapukaw ng pansin ang lalaking nagsasayaw ng pandanggo sa di kalayuan. Nag-eensayo ito bilang paghahanda sa presentasyon na gaganapin sa plasa mamayang gabi.
Samantalang noong baguntao pa lang siya, kabilang siya sa mga abalang-abala kapag ganitong okasyon. Kasali siya sa mga presentasyon; kundi aawit, sasayaw rin ng pandanggo…
Ngunit ngayon, iba ang nagsasayaw sa kanyang balintataw. Mga alaala ng kahapon, malungkot na kahapong siya rin ang may likha.
“Kung naging mabuting asawa at ama lang sana ako, hindi ko sasapitin ang pag-iisa.” Ito ang sumasalit sa kanyang isipan habang ang isang babae’y nakatingin sa salamin at inaayos ang mukha para sa gaganapin na parada maya-maya.
“Kung inayos ko sana ang lahat nang mas maaga, hindi sana ganito ang buhay ko.” Punung-puno ng pagsisisi si Tata Igme.
Ngayon, malinaw na hindi na niya maibabalik ang dati. Nagbago na ngang lahat. Wala nang natitira pa sa kanya. Mag-isa na lang siya.
Hindi na niya kailanman matatagpuan ang kaligayahan, hindi na makikitang siya’y masaya; isang matandang tumatawa sa ulan at nagpapakasaya sa buhay. Dahil sa araw-araw simula nang mamulat siya sa katotohanang yakap na niya ang pag-iisa, ang makikita na ay isang malungkot at hungkag na tao. Isang matandang umiiyak sa tinamong kabiguan sa buhay. Tunay, sa kalagayan niya ngayon, tila siya isang basag na gitarang lumulutang sa ilog…