Monday, December 7, 2009

...


ang lamig ng panahon ay kasinglamig mo...


kinukumutan ako ng kalungkutan;
habang pinaghehele ng unan ng kalumbayan...
at papag ng kawalang-katiyakan...

Thursday, November 12, 2009

Ang Gamot sa Tanga!


Kung katangahan ang magmahal; lahat ng tao sa mundo, bobo!
Kunsabagay, di naman katangahan o kabaliwan ang mga bagay na ginagawa mo sa ngalan ng pag-ibig. Ganito lang ang kalalabasan kapag ang mga ito ay di natumbasan at nasuklian. Yung tipong mas nagbibigay ka kaysa nakatatanggap. Pero may isa pang puntong lilitaw dito, di naman niya sinabi na mahalin mo siya at magpakatanga ah. Wala rin siyang sinabing gawin mo ang mga bagay na ginagawa mo para sa kanya, tapos ngayon magrereklamo ka. Ekspektasyon. ‘Yan kasi ang nagdudulot ng sakit. Umaasa ka na pahalagahan ka niya (kahit di na nga mahalin) gaya ng pinapakita mong pagpapahalaga sa kanya. Wag kang maghintay ng kapalit. Ganon talaga. Di lahat ng mamahalin mo, mamahalin ka rin. At ang pagmamahal daw ng walang hinihintay na kapalit ang siyang tunay na pagmamahal.
Pero dahil sa tao ka, kahit alam mo na naman ‘yung pinagsasabi ko sa taas, patuloy ka pa ring umaasa at siyempre nasasaktan. Sino ba naman kasing tao ang ayaw na mahalin din siya? Sino ba naman ang ayaw mapahalagahan? Kaya lang sa paggigiit mo sa mga bagay na ito, lalo ka lang masasaktan at magdurusa.
Siguro nga walang taong tanga, nagtatanga-tangahan lang. Kasi sa totoo lang ang ang sagot sa problema mo ay nasa harapan mo rin mismo. Hindi ka niya mahal, iyon ‘yun. Natatakot ka lang harapin ito, dahil ito ang katotohanan. Masakit ang katotohanan. Kaya para maiwasan, wag na lang harapin. Kaysa masaktan, wag na lang alamin at isipin. Dating gawi. Magmahal at umasa. Umasa at masaktan. Masaktan at umiyak. Umiyak at maawa sa sarili. At sisihin ang sariling katangahan.
Dumarating din ‘yung panahong nakapag-isip ka na at mukhang handa ka ng magbagong-buhay ‘ika nga. Handa ka ng lumayo at lumimot. Pero eto na naman siya, lumalapit at mukhang kinakailangan ka niya. Di mo siya kayang talikuran. Kaya ang tinalikuran mo ay ‘yung plano mong pagbabagong-buhay. Kalimutan na ang paglimot, ang mahalaga ay siya. Ang pagkakataong makasama siya. Ang tsansang baka makita niya ang halaga mo sa kanya.
Kaso pagkatapos ng mga pagkakataong ganito, babalik din siya sa dating siya. Manhid. Bato. Walang pakialam. At ikaw, naiwan na namang tulala.
Biglang dating na naman ng sakit. Biglang balik ka rin sa dating ikaw. Nasasaktan. Umiiyak. Naaawa sa sarili.
Paulit-ulit lang. Kasi di mo talaga hinaharap at ginagawan ng solusyon ang problema. Bakit? Kasi mahirap. Dahil wala namang madali.
Paano makakaahon? Harapin ang katotohanan. Tanggapin na may mga mga bagay sa mundo na di mo kayang baguhin. Di ‘to pwedeng idikta ng iba sa ‘yo. Ikaw lang makapagsasabi kung kaylan.Kasi ang gamot daw sa tanga: pagkukusa. Magkusa kang unti-unting ibalik ang pagtingin sa sarili.
Gaya ng sinabi ko, di ito madali. Kasi sa totoo lang, kahit ako di ko alam kaylan magsisimula… marjosalafrania

Thursday, October 22, 2009

Workshop 101


Habang gumagawa ng output ang mga estudyante, di ako mapakali, nangangati ang mga kamay ko, gusto kong sumali.
Bubuo ng kwento ang drama. Pagkokonekta ng images. Output ito at bahagi na rin ng ipinangako kong workshop sa kanila.
Kaya eto ang nabuo ko pagkatapos ng tatlumpung minuto.
(Pasensya na walang pamagat, gusto ninyo pakilagyan.)

Habang masigla, masaya at buhay na buhay ang atmospera sa paligid dahil sa nagaganap na pista, hindi nito mahawa ang damdamin ni Tata Igme. Kalungkutan ang pumupuno sa kanya. Kahungkagan.
Nakadungaw siya sa bintana ng kanyang maliit na dampa. Lagus-lagusan ang tingin niya sa mga nagaganap sa paligid. Di nakapukaw ng pansin ang lalaking nagsasayaw ng pandanggo sa di kalayuan. Nag-eensayo ito bilang paghahanda sa presentasyon na gaganapin sa plasa mamayang gabi.
Samantalang noong baguntao pa lang siya, kabilang siya sa mga abalang-abala kapag ganitong okasyon. Kasali siya sa mga presentasyon; kundi aawit, sasayaw rin ng pandanggo…
Ngunit ngayon, iba ang nagsasayaw sa kanyang balintataw. Mga alaala ng kahapon, malungkot na kahapong siya rin ang may likha.
“Kung naging mabuting asawa at ama lang sana ako, hindi ko sasapitin ang pag-iisa.” Ito ang sumasalit sa kanyang isipan habang ang isang babae’y nakatingin sa salamin at inaayos ang mukha para sa gaganapin na parada maya-maya.
“Kung inayos ko sana ang lahat nang mas maaga, hindi sana ganito ang buhay ko.” Punung-puno ng pagsisisi si Tata Igme.
Ngayon, malinaw na hindi na niya maibabalik ang dati. Nagbago na ngang lahat. Wala nang natitira pa sa kanya. Mag-isa na lang siya.
Hindi na niya kailanman matatagpuan ang kaligayahan, hindi na makikitang siya’y masaya; isang matandang tumatawa sa ulan at nagpapakasaya sa buhay. Dahil sa araw-araw simula nang mamulat siya sa katotohanang yakap na niya ang pag-iisa, ang makikita na ay isang malungkot at hungkag na tao. Isang matandang umiiyak sa tinamong kabiguan sa buhay. Tunay, sa kalagayan niya ngayon, tila siya isang basag na gitarang lumulutang sa ilog…

Tuesday, August 25, 2009

ang sanga, ang nimpa, ang bunga, ikaw (PARA KAY MARJO)


SA MALABAY MONG SANGA AKO HIHIMLAY
DAHIL NI MINSA’Y ‘DI ITO NAGKAIT
NG LUGAR PARA SA AKING PAGAL
NA ISIP AT KATAWAN.
IKAW ANG NIMPA NG MGA AYAW
PAKINGGANG PALAGAY AT SALOOBIN
KINAKANLONG MO ITO BAGO
BUTASIN NG KALAM NG SIKMURA.

ANO BA ANG MAIPAPALIT?
ANO BA ANG MAIHAHANDOG?

MANANATILI NA LAMANG AKONG
MANINIYASAT…
MANGANGAKO…
MAGBIBIGAY NG PANANAW…
AT HIGIT SA LAHAT – MANGHIHINGI.

DAHIL ALAM KONG DUMATAL MAN
ANG HAPON SA IYONG BUHAY,
MAGDULOT MAN ITO SA ‘YO NG
KATANDAAN,
PATULOY AKONG TITINGALA AT MAGPAPALA
SA PALAGI NANG HANDOG MONG BUNGA.

(fpj)

Wednesday, August 19, 2009

Patawad, bumitaw na ako


Nais kong sabihin sa ‘yo
na sa paghingi at pagbigay
naroon ang pagtanggap.
Nakalulungkot, wala akong
natanggap mula sa ‘yo.
Ipaaalala ko rin,
hindi lahat ng nagbibigay,
walang hinihinging kapalit.
Aaminin ko, inasahan kong
matumbasan at mahandugan.
Marahil, nakaligtaan mo
na hindi lahat ng naghihintay ay nakatatagal.
Laging may puwang ang pagkainip.
Magtatapat ako, dinatnan ako nito.
Sana’y maisip mo,
lahat ng nakakapit ay nakasusumpong
ng pagkangalay, nakabibitaw.
Patawad, nakabitaw ako.

Kaya’t sakaling maghanap ng
malabay na sangang mapaghihimlayan,
hindi na ito matatagpuan.
Mapapagkaitan na ng lugar
ang ‘yong pagal na isip at katawan.
Wala na ring saysay ang pagtingala,
hindi ka na pagpapalain pa
ng dati’y palagi nang handog kong bunga.
Wala nang nimpang makikinig
sa iyong mga ayaw pakinggang palagay at saloobin.
Hindi na ito kakanlungin pa.
hahayaan nang butasin ng kalam ng sikmura.

Muli, patawad. Bumitaw na ako.

Tuesday, August 11, 2009

Senti Mode (Kamalayan)


Nag-iiba-iba lang ng anyo, ng panahon at ng pagkakataon. Pero kapareho lang ang sakit na idinudulot. Di ko tiyak kung saan nagmumula. Basta, alam ko nasaktan ako… at patuloy na masasaktan.
Hindi ko alam kung itinalaga kong maging ganito. Sa simula’t simula pa, wala na akong maituturing na sa akin talaga. Sa materyal man o sa tao. Lagi lang akong nakikiamot ng atensyon, ng pagmamahal. Sabagay, ang tao ay hindi isang bagay na pwedeng ariin. May kalayaan siyang mag-isip at gawin ang kanyang mga naisin. At sa lahat ng iyon, hindi ako kasali. Sa iniisip at pati sa ninanais.
Hindi lang iilang beses kong pinag-isipan ang mga ito. Kahit siguro anong gawin mong buti sa iba, hindi mo maaasahang ibabalik nila ito. Makasarili sa unang tingin, pero tao ako na naghahangad ding masuklian hindi man lahat ng binigay. Sabagay, wala naming nagsabi na gawin ko ang lahat ng mga iyon, pero sana maging sensitibo naman sila na may mga pangangailangan din ako.
Pilit kong iwinawaksi ang mga negatibong isipin. Kasi kung sakali mang ito ang magiging katotohanan, napakasakit nito para sa akin. Ayokong isiping kaya lang nila ako pinakikitunguhan dahil may naibibigay ako. Paano kung wala na? Wala na rin ako?
Hindi lang iilang beses na dumadaan ‘to sa isipan ko. Sobrang nasasaktan ako. Lagi-lagi na lang, naiiwan akong wala at nasasaktan.
Nakakahiwa ang mga salita lalo na kung may kasama pa itong gawa. Kung nakamamatay ang salita at kalamigan, siguro paulit-ulit na kong namatay.
Pero buhay pa ‘ko. Pero di malinaw saan patungo. Kung pipiliin ko ang pag-iisa, alam kong malungkot ito. Pero di ba, may kasama naman ako? Pero di ba’t nalulungkot pa rin ako?
Sa buong buhay ko, lagi na lang akong naguguluhan. Pumupunta ako kung saan ako magiging masaya. Totoo, nagiging masaya ako… pagkatapos, malungkot at mag-isa.
Sugatan na ‘ko sa laban, di ko alam kung susuko na ako o patuloy na lalaban. Pagod na ‘ko… Pagod na pagod na ‘ko.

Senti Mode (Katotohanan)


Malamig ang panahon. Makulimlim ang kalangitan. Umiiyak ang langit. Sumasabay sa king mga nararamdaman sa kasalukuyan.
Nalulungkot ako. Naiiyak sa mga nangyayari sa ‘king buhay. Kanina sa klase, sabi ko, sa mundo ng kawalang-katiyakan, mahalaga pa rin na may direksyon ang ating buhay. Pero ako mismo, di ko alam kung saan ako tutungo. Hindi ko tiyak kung ano ba talaga ang aking mga naisin at mithiin. Sa ganang akin, ginagawa ko lahat ng makakaya upang maging responsable sa lahat ng aking gawain at tungkulin- sa propesyon man o sa personal. Pero tila kulang pa rin. Sadya lang ba silang mapaghanap o di ko talaga nagagampanan?
Nasasaktan akong isipin na balewala pa rin para sa kanila ang mga sakripisyo ko. Na kulang na lang sabihin sa ‘king wala akong silbi at sila lang ang kumikilos. Nakakaiyak ang katotohanang sarili ko na nga ang tila nasa huli ng aking mga prayoridad. Ang dami kong inalis sa sistema ko para magampanan ang mga obligasyong hindi ko hiningi. Halos wala na kong itira para sa akin sa kagustuhang makasampa sa pamantayan nila.
Ngayon, umiiyak na naman ako. Gusto kong sumigaw para palayain lahat ng iniisip at nararamdaman ko. Pero sinong makaririnig at makikinig? Hindi lahat ng tao kayang unawain ang kalagayan ng kanilang kapwa. May sugat din silang kailangang gamutin at paghilumin. Hindi na para makialam pa sila sa sugat ng iba. Hindi para tumigil ang pag-ikot ng mundo para lang sa akin.
Lumalakas ang ulan. Hugasan sana nito at tangayin ang mga hinanakit na pumupuno sa aking puso.
Kumulog sana ng malakas. At lamunin ang nag-uumalpas at naghuhumiyaw kong damdamin.
Kumidlat sana ng matalim. At tagain ang buntun-bunton kong dalahin.