Tuesday, July 28, 2009

Usapang Senti


Usapang Senti

Kapag ganitong umuulan, nagkalat daw ang mga senti. Siguro dahil nasa bahay lang at ‘di makagala kaya kung anu-anong pumapasok sa tuktok. Napagtutuunan ng pansin ang mga bagay at pangyayaring balewala kapag busy sa maraming trabaho at pinagkakaabalahan. Nauuso tuloy ang mga senting text galing siyempre pa sa mga senting nilalang sa mundong ibabaw.

May nagtanong sa ‘kin, bakit nga ba raw? Sabi ko, kasi mismong ‘yong panahon, sentimental. ‘Yong pagbagsak pa lang ng ulan mula sa kalangitan, senti na ‘yon ah. Ang pagpapaubaya ng mga dahon na mabasa at malagas, senti ‘yon. Pati ‘yong pagtulo ng tubig-ulan sa bintana, grabe, senting-senti.

Naalala ko tuloy no’ng nasa Normal pa ‘ko. ‘Pag umuulan, kanya-kanyang hanap ng lungga ang mga senti. Ako, paborito ko ang bilog. Eto ‘yong tambayang pabilog, may sementadong upuang pabilog, mesang bilog, na may bubungang patusok. Kabute o mushroom ang tawag ng iba rito.

Uupo ako sa bilog. Pagmamasdan ang pagbuhos (pag malakas) pagpatak (pag mahina) ng ulan. Gustung-gusto ko ang pagpapaubaya ng grass sa ulan habang dumadaan at salit-salit ang alaala sa aking isipan…

Ngayon, wala nang Normal, bilog at grass. Pero senti pa rin ako, lalo na pag umuulan. Oo, aminado ako. Certified senti ako.

Gaya ngayon, umuulan na naman. Trip kong uminom ng kape kapag ganito. ‘Yong aroma ng kape, iba ang dating sa ‘kin kapag umuulan kaysa karaniwang pagkakape ko. Tila may gayuma. Nakakaadik.

Habang nagkakape, pupwesto ako sa may bintana. Pagmamasdan ang ulan habang pinapaliguan ang kalsada. Gaya ng dati, dumadaan at salit-salit ang mga alaala… Parang ulan, minsan, mapagkalinga; madalas, nakakalunod…

Ang Gamot sa Tanga!


Kung katangahan ang magmahal; lahat ng tao sa mundo, bobo!
Kunsabagay, di naman katangahan o kabaliwan ang mga bagay na ginagawa mo sa ngalan ng pag-ibig. Ganito lang ang kalalabasan kapag ang mga ito ay di natumbasan at nasuklian. Yung tipong mas nagbibigay ka kaysa nakatatanggap. Pero may isa pang puntong lilitaw dito, di naman niya sinabi na mahalin mo siya at magpakatanga ah. Wala rin siyang sinabing gawin mo ang mga bagay na ginagawa mo para sa kanya, tapos ngayon magrereklamo ka. Ekspektasyon. ‘Yan kasi ang nagdudulot ng sakit. Umaasa ka na pahalagahan ka niya (kahit di na nga mahalin) gaya ng pinapakita mong pagpapahalaga sa kanya. Wag kang maghintay ng kapalit. Ganon talaga. Di lahat ng mamahalin mo, mamahalin ka rin. At ang pagmamahal daw ng walang hinihintay na kapalit ang siyang tunay na pagmamahal.
Pero dahil sa tao ka, kahit alam mo na naman ‘yung pinagsasabi ko sa taas, patuloy ka pa ring umaasa at siyempre nasasaktan. Sino ba naman kasing tao ang ayaw na mahalin din siya? Sino ba naman ang ayaw mapahalagahan? Kaya lang sa paggigiit mo sa mga bagay na ito, lalo ka lang masasaktan at magdurusa.
Siguro nga walang taong tanga, nagtatanga-tangahan lang. Kasi sa totoo lang ang ang sagot sa problema mo ay nasa harapan mo rin mismo. Hindi ka niya mahal, iyon ‘yun. Natatakot ka lang harapin ito, dahil ito ang katotohanan. Masakit ang katotohanan. Kaya para maiwasan, wag na lang harapin. Kaysa masaktan, wag na lang alamin at isipin. Dating gawi. Magmahal at umasa. Umasa at masaktan. Masaktan at umiyak. Umiyak at maawa sa sarili. At sisihin ang sariling katangahan.
Dumarating din ‘yung panahong nakapag-isip ka na at mukhang handa ka ng magbagong-buhay ‘ika nga. Handa ka ng lumayo at lumimot. Pero eto na naman siya, lumalapit at mukhang kinakailangan ka niya. Di mo siya kayang talikuran. Kaya ang tinalikuran mo ay ‘yung plano mong pagbabagong-buhay. Kalimutan na ang paglimot, ang mahalaga ay siya. Ang pagkakataong makasama siya. Ang tsansang baka makita niya ang halaga mo sa kanya.
Kaso pagkatapos ng mga pagkakataong ganito, babalik din siya sa dating siya. Manhid. Bato. Walang pakialam. At ikaw, naiwan na namang tulala.
Biglang dating na naman ng sakit. Biglang balik ka rin sa dating ikaw. Nasasaktan. Umiiyak. Naaawa sa sarili.
Paulit-ulit lang. Kasi di mo talaga hinaharap at ginagawan ng solusyon ang problema. Bakit? Kasi mahirap. Dahil wala namang madali.
Paano makakaahon? Harapin ang katotohanan. Tanggapin na may mga mga bagay sa mundo na di mo kayang baguhin. Di ‘to pwedeng idikta ng iba sa ‘yo. Ikaw lang makapagsasabi kung kaylan.Kasi ang gamot daw sa tanga: pagkukusa. Magkusa kang unti-unting ibalik ang pagtingin sa sarili.
Gaya ng sinabi ko, di ito madali. Kasi sa totoo lang, kahit ako di ko alam kaylan magsisimula… marjosalafrania