Tuesday, August 25, 2009

ang sanga, ang nimpa, ang bunga, ikaw (PARA KAY MARJO)


SA MALABAY MONG SANGA AKO HIHIMLAY
DAHIL NI MINSA’Y ‘DI ITO NAGKAIT
NG LUGAR PARA SA AKING PAGAL
NA ISIP AT KATAWAN.
IKAW ANG NIMPA NG MGA AYAW
PAKINGGANG PALAGAY AT SALOOBIN
KINAKANLONG MO ITO BAGO
BUTASIN NG KALAM NG SIKMURA.

ANO BA ANG MAIPAPALIT?
ANO BA ANG MAIHAHANDOG?

MANANATILI NA LAMANG AKONG
MANINIYASAT…
MANGANGAKO…
MAGBIBIGAY NG PANANAW…
AT HIGIT SA LAHAT – MANGHIHINGI.

DAHIL ALAM KONG DUMATAL MAN
ANG HAPON SA IYONG BUHAY,
MAGDULOT MAN ITO SA ‘YO NG
KATANDAAN,
PATULOY AKONG TITINGALA AT MAGPAPALA
SA PALAGI NANG HANDOG MONG BUNGA.

(fpj)

Wednesday, August 19, 2009

Patawad, bumitaw na ako


Nais kong sabihin sa ‘yo
na sa paghingi at pagbigay
naroon ang pagtanggap.
Nakalulungkot, wala akong
natanggap mula sa ‘yo.
Ipaaalala ko rin,
hindi lahat ng nagbibigay,
walang hinihinging kapalit.
Aaminin ko, inasahan kong
matumbasan at mahandugan.
Marahil, nakaligtaan mo
na hindi lahat ng naghihintay ay nakatatagal.
Laging may puwang ang pagkainip.
Magtatapat ako, dinatnan ako nito.
Sana’y maisip mo,
lahat ng nakakapit ay nakasusumpong
ng pagkangalay, nakabibitaw.
Patawad, nakabitaw ako.

Kaya’t sakaling maghanap ng
malabay na sangang mapaghihimlayan,
hindi na ito matatagpuan.
Mapapagkaitan na ng lugar
ang ‘yong pagal na isip at katawan.
Wala na ring saysay ang pagtingala,
hindi ka na pagpapalain pa
ng dati’y palagi nang handog kong bunga.
Wala nang nimpang makikinig
sa iyong mga ayaw pakinggang palagay at saloobin.
Hindi na ito kakanlungin pa.
hahayaan nang butasin ng kalam ng sikmura.

Muli, patawad. Bumitaw na ako.

Tuesday, August 11, 2009

Senti Mode (Kamalayan)


Nag-iiba-iba lang ng anyo, ng panahon at ng pagkakataon. Pero kapareho lang ang sakit na idinudulot. Di ko tiyak kung saan nagmumula. Basta, alam ko nasaktan ako… at patuloy na masasaktan.
Hindi ko alam kung itinalaga kong maging ganito. Sa simula’t simula pa, wala na akong maituturing na sa akin talaga. Sa materyal man o sa tao. Lagi lang akong nakikiamot ng atensyon, ng pagmamahal. Sabagay, ang tao ay hindi isang bagay na pwedeng ariin. May kalayaan siyang mag-isip at gawin ang kanyang mga naisin. At sa lahat ng iyon, hindi ako kasali. Sa iniisip at pati sa ninanais.
Hindi lang iilang beses kong pinag-isipan ang mga ito. Kahit siguro anong gawin mong buti sa iba, hindi mo maaasahang ibabalik nila ito. Makasarili sa unang tingin, pero tao ako na naghahangad ding masuklian hindi man lahat ng binigay. Sabagay, wala naming nagsabi na gawin ko ang lahat ng mga iyon, pero sana maging sensitibo naman sila na may mga pangangailangan din ako.
Pilit kong iwinawaksi ang mga negatibong isipin. Kasi kung sakali mang ito ang magiging katotohanan, napakasakit nito para sa akin. Ayokong isiping kaya lang nila ako pinakikitunguhan dahil may naibibigay ako. Paano kung wala na? Wala na rin ako?
Hindi lang iilang beses na dumadaan ‘to sa isipan ko. Sobrang nasasaktan ako. Lagi-lagi na lang, naiiwan akong wala at nasasaktan.
Nakakahiwa ang mga salita lalo na kung may kasama pa itong gawa. Kung nakamamatay ang salita at kalamigan, siguro paulit-ulit na kong namatay.
Pero buhay pa ‘ko. Pero di malinaw saan patungo. Kung pipiliin ko ang pag-iisa, alam kong malungkot ito. Pero di ba, may kasama naman ako? Pero di ba’t nalulungkot pa rin ako?
Sa buong buhay ko, lagi na lang akong naguguluhan. Pumupunta ako kung saan ako magiging masaya. Totoo, nagiging masaya ako… pagkatapos, malungkot at mag-isa.
Sugatan na ‘ko sa laban, di ko alam kung susuko na ako o patuloy na lalaban. Pagod na ‘ko… Pagod na pagod na ‘ko.

Senti Mode (Katotohanan)


Malamig ang panahon. Makulimlim ang kalangitan. Umiiyak ang langit. Sumasabay sa king mga nararamdaman sa kasalukuyan.
Nalulungkot ako. Naiiyak sa mga nangyayari sa ‘king buhay. Kanina sa klase, sabi ko, sa mundo ng kawalang-katiyakan, mahalaga pa rin na may direksyon ang ating buhay. Pero ako mismo, di ko alam kung saan ako tutungo. Hindi ko tiyak kung ano ba talaga ang aking mga naisin at mithiin. Sa ganang akin, ginagawa ko lahat ng makakaya upang maging responsable sa lahat ng aking gawain at tungkulin- sa propesyon man o sa personal. Pero tila kulang pa rin. Sadya lang ba silang mapaghanap o di ko talaga nagagampanan?
Nasasaktan akong isipin na balewala pa rin para sa kanila ang mga sakripisyo ko. Na kulang na lang sabihin sa ‘king wala akong silbi at sila lang ang kumikilos. Nakakaiyak ang katotohanang sarili ko na nga ang tila nasa huli ng aking mga prayoridad. Ang dami kong inalis sa sistema ko para magampanan ang mga obligasyong hindi ko hiningi. Halos wala na kong itira para sa akin sa kagustuhang makasampa sa pamantayan nila.
Ngayon, umiiyak na naman ako. Gusto kong sumigaw para palayain lahat ng iniisip at nararamdaman ko. Pero sinong makaririnig at makikinig? Hindi lahat ng tao kayang unawain ang kalagayan ng kanilang kapwa. May sugat din silang kailangang gamutin at paghilumin. Hindi na para makialam pa sila sa sugat ng iba. Hindi para tumigil ang pag-ikot ng mundo para lang sa akin.
Lumalakas ang ulan. Hugasan sana nito at tangayin ang mga hinanakit na pumupuno sa aking puso.
Kumulog sana ng malakas. At lamunin ang nag-uumalpas at naghuhumiyaw kong damdamin.
Kumidlat sana ng matalim. At tagain ang buntun-bunton kong dalahin.

Monday, August 3, 2009

Senti Mode (Kalungkutan)


Naiiyak na naman ako. Pakiramdam ko’y nag-iisa ako sa gitna ng karamihan. Nadadalas ang mga pagkakataong ganito. Dumarami ang mga pangamba ko. Nadaragdagan ang mga takot ko. Pangamba’t takot na di tiyak kung para sa’n.
Siguro pagod lang ako. Sa trabaho. Pero mas nakapapagod kabakahin ang kalungkutan. Di ko mahanapan ng solusyon, di gaya ng pagsagot sa simpleng tanong na “Saan-saan alipin ang may-akda?” May tiyak itong sagot, hanapin lang sa seleksyon, ayos na. Pero ako ma’y alipin din. Alipin ng kalungkutan at kawalang-katiyakan.
Buti pa ang ibang tao, nakakatawa sa gitna ng kalungkutan. Marahil di ko gaya ng iba na na malakas. Mahina ako… sa maraming bagay. Ramdam na ramdam ko ang kahinaan ko, mas nagiging dominante. Tinatalo ang natitira ko pang lakas…